Posibleng nagkasala ng election offense si Vice President Sara Duterte kung mapapatunayang tumanggap siya ng campaign donations mula sa mga Chinese nationals na konektado sa Pharmally, ayon kay Manila Rep. Joel Chua kahapon.
Ayon kay Chua, chairman ng House committee on good government and public accountability, malinaw na ipinagbabawal ng Section 81 ng Omnibus Election Code ang anumang kontribusyon mula sa mga dayuhan sa kampanya ng kandidato.
Lumabas sa supplemental affidavit ni Ramil Madriaga, umano’y bagman ni Duterte, na nakatanggap siya ng milyon-milyong piso mula kina Pharmally financial officer Lin Weixiong at mga negosyanteng sina Maestrado “Tony” Yang at Michael Yang para sa kampanya ni Duterte noong 2022. Kilala ang mga Yang bilang malalapit na kaalyado ng dating Pangulong Rodrigo Duterte at konektado rin sa operasyon ng POGO.
Dagdag pa ni Rep. Terry Ridon, nakamit na ng House justice committee ang “probable cause” para irekomenda ang impeachment ng Bise Presidente, batay sa umano’y maling paggamit ng confidential funds. Pinatotohanan ito ng Commission on Audit (COA) na nag-utos sa pagbabalik ng P73 milyon na “disallowed” funds ng Office of the Vice President.
Samantala, nanawagan si Rep. Bienvenido Abante na dumalo si Duterte sa susunod na pagdinig sa Abril 22 imbes na magbigay lamang ng pahayag sa media. Ngunit ayon sa kanyang abogado na si Paolo Panelo, wala raw saysay ang pagdalo dahil hindi rin pinapayagan ang mga miyembro ng komite na magtanong nang masinsinan.
Bukod dito, iniutos ng Office of the Ombudsman kay Assistant Special Prosecutor Ryan Quilala na ipaliwanag ang kanyang panig matapos siyang mabanggit ni Madriaga sa nakaraang pagdinig.











