Nilinaw ng isang constitutional expert na hindi nababago ng interpretasyon ng Korte Suprema ang malinaw na probisyon ng Saligang Batas kaugnay ng agarang pagsasagawa ng impeachment trial.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo “Egon” Cayosa, sinabi nito na bagamat naglabas ng opinyon ang Supreme Court of the Philippines hinggil sa kahulugan ng “forthwith” o ika-apat na linggo, nananatili pa rin ang diwa ng 1987 Philippine Constitution na dapat agad na simulan ang impeachment proceedings.
Ayon kay Atty. Cayosa, ang paggamit ng terminong “within reasonable time” at “without undue delay” ay maaaring magdulot pa ng iba’t ibang interpretasyon sa halip na magbigay-linaw.
Giit nito na sa simpleng pagbasa ng Saligang Batas, malinaw na ang ibig sabihin ng “forthwith” ay agarang aksyon o sa lalong madaling panahon.
Ipinaliwanag pa ng eksperto na ang konteksto ng naturang interpretasyon ay kaugnay ng petisyon na humihiling sa Korte Suprema na utusan ang Senado na simulan ang pagdinig ng impeachment case.
Gayunman, binigyang-diin nito na hindi maaaring diktahan ng Korte Suprema ang Senado dahil ito ay isang co-equal branch ng pamahalaan.
Dagdag pa ni Atty. Cayosa, sa huli ay ang mayorya ng mga senador pa rin ang magpapasya kung gaano kabilis sisimulan ang impeachment trial. Aniya, may posibilidad na gamitin ng ilang mambabatas ang bagong interpretasyon upang magpaliban, subalit ito ay nakasalalay pa rin sa magiging boto ng nakararami.
Binigyang-diin din nito na ang intensyon ng Saligang Batas ay gawing mabilis ang proseso ng impeachment, na may mga itinakdang timeline at requirement tulad ng tuloy-tuloy na pagdinig araw-araw. Layunin aniya nito na agad matukoy kung may sala ang isang opisyal upang mapanagot o kaya naman ay malinis ang pangalan kung walang ebidensya laban dito.
Iginiit pa ng eksperto na ang impeachment ay hindi dapat ituring na karaniwang kaso na maaaring tumagal, kundi isang prosesong kailangang isagawa nang mabilis para sa kapakanan ng publiko at katatagan ng pamahalaan.










