Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang agaran at malawakang tulong ng pamahalaan para sa mga apektadong residente ng ashfall mula sa Mayon Volcano, partikular sa mga bayan ng Guinobatan at Camalig sa Albay.
Ayon sa Palasyo, nasa full swing na ang mga response operations upang maprotektahan ang kalusugan ng publiko, matiyak ang kaligtasan ng mga residente, at mapanatiling bukas ang mga kalsada at pangunahing serbisyo sa mga apektadong lugar.
Inatasan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na agad alisin ang abo sa mga pangunahing kalsada upang matiyak ang ligtas na biyahe ng mga residente at responders. Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, kailangang tanggalin ang abo dahil maaari itong tumigas at magdulot ng mas malaking problema kung hindi maaagapan.
Nagpadala rin ang Department of Health ng N95 masks, naglagay ng water stations, at nag-deploy ng mobile clinics para sa mga residenteng may respiratory concerns.
Ang Bureau of Fire Protection ay inatasang magsagawa ng water-spraying at ash clearing operations sa mga apektadong lugar, habang patuloy namang mino-monitor ng Office of Civil Defense at National Disaster Risk Reduction and Management Council ang sitwasyon, lalo na sa mga high-risk areas.
Nagpapatuloy din ang pamamahagi ng food packs at essential assistance ng Department of Social Welfare and Development sa mga evacuation center, na umaabot na sa mahigit 300,000 food packs at iba pang suplay na naka-preposition sa Bicol Region.
Ayon sa Palasyo, iniutos din ng Pangulo ang mahigpit na pagbabantay sa mga ilog at daluyan ng tubig dahil sa posibleng lahar flow, lalo na kung magkakaroon ng malakas na ulan.
Pinapayuhan ang mga residente na manatili sa loob ng bahay kung maaari, magsuot ng proteksiyon tulad ng face mask, at sumunod sa mga abiso ng lokal na pamahalaan.
Samantala, sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na nakapagtala ito ng mga palatandaan ng intensified at magmatic unrest, kabilang ang lava flows at volcanic earthquakes, ngunit nananatili pa rin sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon.











