Pormal nang pinasinayaan ang City of Ilagan College, ang kauna-unahang LGU-owned college sa Rehiyon Dos.
Pinangunahan ang inagurasyon ni City Mayor Josemarie Diaz kasama si Fr. Daniel Franklin Pilario, pangulo ng Adamson University, kung saan isinagawa rin ang paglagda sa Memorandum of Agreement sa pagitan ng unibersidad at LGU Ilagan.
Ayon kay City Mayor Josemarie Diaz, target na pormal na buksan sa buwan ng Agosto ang naturang kolehiyo upang mabigyan ng mas malawak na oportunidad sa edukasyon ang mga residente ng lungsod at mga karatig na lugar.
Aniya, nakatuon muna sa larangan ng medisina ang mga programang ihahandog ng City of Ilagan College sa pakikipagtulungan ng naturang unibersidad, na magsisilbing katuwang sa akademikong aspeto at pagsasanay ng mga mag-aaral.
Layunin ng kasunduan na matiyak ang kalidad ng edukasyon, partikular sa mga kursong may kaugnayan sa kalusugan, upang makapaghubog ng mga propesyunal na handang tumugon sa pangangailangan ng komunidad.
Inaasahan ng lokal na pamahalaan na sa pamamagitan ng proyektong ito ay mapapalakas pa ang sektor ng edukasyon at kalusugan sa Lungsod ng Ilagan, kasabay ng pagbibigay ng abot-kayang edukasyon para sa mga Ilagueño.
Sa kanyang talumpati, iginiit naman ni Vice Mayor Jay Eveson Diaz na ang proyekto ay bunga ng pagtutulungan ng mga Ilagueño.
Layunin ng City of Ilagan College na mabigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral mula sa Isabela at kalapit na mga probinsya na makapagtapos ng kursong medikal nang hindi iniintindi ang gastusin.
Kabilang sa mga programang iaalok ang Nursing, Psychology, Medical Technology, Radiologic Technology, at Information Technology, na planong palawakin pa sa mga susunod na taon.
Pangunahing adhikain ng paaralan ang magbigay ng dekalidad na edukasyon habang pinapagaan ang gastusin ng mga magulang.
Sa ilalim ng full scholarship program, pag-aaral at pagtatapos na lamang ang tututukan ng mga benepisyaryo, bagamat nilinaw na ito ay eksklusibo para sa mga estudyanteng Ilagueño.
Bukas naman ang institusyon para sa lahat ng nais mag-aral, bilang kauna-unahang LGU-owned college sa rehiyon na nakatuon sa mga kursong medikal at allied programs upang hindi na kailangang lumayo ng mga estudyante sa kanilang pamilya at probinsya.
Report By: Bombo Girlie Baniaga











