Masayang-masaya ang rank 7 sa katatapos na March 2026 Licensure Examination for Teachers (LET) Elementary Level at tubong Jones, Isabela matapos mapabilang sa hanay ng mga topnotchers.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bb. Jane Ruth Fernandez, rank 7 sa LET Elementary Level at residente ng Jones, Isabela, sinabi niyang mula nang ianunsyo ng Professional Regulation Commission (PRC) ang petsa ng paglabas ng resulta ay paulit-ulit na niyang chine-check ang opisyal na website upang agad na makita ang outcome ng kanyang pagsusulit.
Aniya, bago pa man niya personal na makita ang kanyang resulta online ay may mga nauna nang nagbigay sa kanya ng balita na kabilang siya sa topnotchers bilang rank 7, dahilan upang makaramdam siya ng halo-halong emosyon ng kaba, pananabik, at labis na kasiyahan.
Hindi umano niya lubos inasahan na mapapasama siya sa topnotchers dahil aminado siyang nahirapan siya sa ilang bahagi ng exam, lalo na sa mga tanong na hindi gaanong natalakay sa kanilang review sessions.
Bagamat ibinuhos niya ang kanyang buong panahon at pagsisikap sa pagrereview, sinabi niyang hindi pa rin niya inakala na makakamit niya ang ganitong mataas na karangalan.
Naglaan naman siya ng full-time review upang lubos na makapaghanda para sa pagsusulit. Regular siyang dumadalo sa review center, maging sa online man o face-to-face sessions, upang mapalalim ang kanyang kaalaman at mapaghandaan ang bawat bahagi ng LET.
Ibinahagi rin niya ang mga pagsubok na kanyang hinarap, kabilang na ang kakulangan sa pinansyal, lalo na sa araw-araw na pagko-commute patungo sa review center. Sa kabila nito, nanatili siyang determinado na maabot ang kanyang layunin.
Upang mapanatili ang kanyang pokus, nilimitahan din niya ang paggamit ng social media at mas pinili niyang ilaan ang kanyang oras sa pag-aaral.
Ayon kay Jane Ruth, hindi pagtuturo ang kanyang orihinal na pangarap dahil nais sana niyang maging beterinaryo. Gayunman, habang nagpapatuloy siya sa kanyang pag-aaral sa kursong edukasyon, unti-unti niyang natutunang mahalin ang propesyon hanggang sa tuluyan niya itong yakapin.
Sa huli, matagumpay niyang natapos ang kanyang kurso at nakapasa pa bilang isa sa mga nangungunang examinees sa bansa.
Bilang mensahe sa mga future LET takers, hinikayat niya ang mga ito na manatiling determinado, magsikap, at huwag panghinaan ng loob sa kabila ng mga hamon, dahil ang tagumpay aniya ay bunga ng tiyaga, sakripisyo, at tiwala sa sariling kakayahan.











