Umamin si Acting Senate Sergeant-at-Arms Ma. O Aplasca na siya ang unang nagpaputok ng baril sa naganap na tensyon sa Senado noong Miyerkules ng gabi. Ayon kay Aplasca, ito ay isang warning shot laban sa mga ahente ng NBI na nasa paligid ng gusali.
Sa panayam nitong Huwebes, kinumpirma ni Aplasca na matapos magbigay ng verbal warning, siya ay nagpaputok pataas bilang babala. Aniya, hindi nila inaasahan na mauuwi sa palitan ng putok ang insidente sa pagitan ng OSAA staff at mga tauhan ng NBI.
Ayon kay Director Melvin Matibag, wala umanong ahente ng NBI sa loob ng Senado; sila ay naroon sa kahilera nitong GSIS building sa Pasay City.
Ang tensyon ay lumitaw kasabay ng mga ulat na aarestuhin si senator Ronald “Bato” Dela Rosa dahil sa kasong crimes against humanity kaugnay ng drug war ng nakaraang administrasyon.
Matatandaan na dalawang araw bago ang insidente, naganap ang pagpapalit ng liderato sa Senado kung saan si Alan Peter Cayetano ay nahalal bilang bagong Senate President.
Samantala, kinumpirma ni Press Officer Claire Castro at Interior Secretary Jonvic Remulla na si Aplasca ang unang nagpaputok bilang babala.
Tinuligsa naman ang pangyayari bilang “failure of leadership” mula sa Malacañang at Senado habang ilang kongresista ang nagsabing tila naging kasabwat ang Senado sa pagtakas ni Dela Rosa dahil sa tinatawag na “protective custody.”









