--Ads--

Nasa mahigit 100 pang labi ng mga patay na alagang hayop ang natagpuan sa iba’t ibang lugar sa San Jose del Monte City, Bulacan, na nasa iba’t ibang state of decomposition.

Ayon kay Chris Taylor, founder ng Luna and Furry Siblings Animal Welfare Rescue, tinatayang 120 bag o higit pa ng mga labi ang kanilang nadiskubre, kabilang ang ilan na hindi na makilala.

Patuloy pang inaalam kung saan nagmula ang mga ito at kung may kinalaman ang mga veterinary clinic, pet crematorium o iba pang pet aftercare service providers.

Nakikipagtulungan na ang grupo sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa retrieval at pagsusuri sa mga labi. Nanawagan din si Taylor ng tulong mula sa lokal na pamahalaan at mga kaugnay na tanggapan dahil sa lawak ng insidente.

--Ads--

Matatandaang nauna nang nadiskubre ang isa pang tapunan ng mga patay na alagang hayop sa naturang lungsod na iniuugnay umano sa isang pet crematorium sa Bacoor, Cavite.

Samantala, sinabi ni Philippine National Police spokesperson Col. Allen Rae Co na susuriin ang komposisyon ng mga abo upang matukoy kung tunay na nagmula ang mga ito sa mga alagang hayop.

Kabilang sa mga posibleng kasong pinag-aaralan ng PNP ang estafa at civil damages, depende sa resulta ng imbestigasyon at mga makakalap na ebidensiya.

Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan ng mga labi at kung sino ang posibleng managot sa insidente.