--Ads--

Inalis ang portrait ni Senadora Loren Legarda mula sa Wall of Empowered Women ng Assumption College San Lorenzo matapos kuwestiyunin ng Assumption Student Council ang kanyang mga kamakailang hakbang bilang hindi na umano naaayon sa mga pagpapahalagang itinataguyod ng paaralan.

Ayon sa student council, bagama’t kinikilala nila ang mga naging ambag ni Legarda noon, naniniwala silang ang kanyang mga kasalukuyang desisyon sa politika ay hindi na sumasalamin sa mga prinsipyo ng integridad, pananagutan, at paninindigan para sa katarungan.

Inilabas ng konseho ang kanilang posisyon kasunod ng naging pagbabago sa liderato ng Senado noong Mayo 11, kung saan napatalsik si dating Senate President Vicente Sotto III.

Binigyang-diin ng council na naganap ang naturang takeover sa panahong naghahanda ang Senado na tanggapin ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng umano’y grave misuse of public funds at betrayal of public trust.

--Ads--

Ayon sa kanila, nagdulot ang timing ng naturang pagbabago ng seryosong pangamba na maaaring may layuning politikal ito upang maantala o maimpluwensiyahan ang impeachment proceedings.

Pinuna rin ng council ang naging boto ni Legarda pabor kay Alan Peter Cayetano bilang bagong Senate president, lalo na matapos igiit ni Sotto na agad na dapat mag-convene ang impeachment court sa oras na matanggap ang impeachment articles at pagdedesisyonan ito ayon sa merito ng kaso.

Iginiit ng student council na walang posisyon sa gobyerno ang dapat magsilbing proteksyon laban sa pamantayan ng etikal na pamumuno, at anumang hakbang na maaaring magbigay-daan sa impunity o obstruction of justice ay nakababawas sa tiwala ng publiko at dangal ng mga institusyong naglilingkod sa mamamayan.

Binigyang-diin din nila na ang Assumption College San Lorenzo ay humuhubog ng mga lider na inaasahang kumilos nang may katapatan, pananagutan sa lipunan, at matibay na paninindigan sa tama—mga pamantayang dapat dalhin ng bawat Assumptionista sa kanilang paglilingkod publiko.

Sa huli, hinikayat ng council si Legarda na suriin ang kanyang mga naging hakbang at muling pagtibayin ang kanyang paninindigan para sa accountability at justice.

Para sa student council, ang pagkilala sa Wall of Empowered Women ay isang natatanging karangalan na dapat lamang mapunta sa mga kababaihang patuloy na isinasabuhay ang mga pagpapahalaga ng Assumption sa kanilang mga gawa at pagkatao.