--Ads--

Isang lalaki mula sa Idaho, USA na may hawak ng pinakamaraming magkakasabay na Guinness World Records titles, ang nadagdagan pa ng panibagong tagumpay matapos niyang makapagsuot ng 32 T-shirts sa loob lamang ng isang minuto.

Kinilala ang record holder na si David Rush, na dati nang nagtala ng mga record kaugnay sa pagsusuot ng T-shirts, kabilang ang pinakamaraming T-shirts na naisusuot sa loob ng 30 segundo at pinakamabilis na pagsusuot ng 10 T-shirts.

Sa pagkakataong ito, sinubukan ni Rush ang world record para sa pinakamaraming T-shirts na maisuot ng isang indibidwal sa loob ng isang minuto.

Ayon kay Rush, may kakaibang hamon ang naturang record dahil habang nadaragdagan ang suot na T-shirts, lalong humihirap ang paggalaw ng katawan.

--Ads--

Kinailangan niyang makapagsuot ng hindi bababa sa 25 T-shirts upang mabasag ang dating record. Sa aktwal na pagtatangka, umabot siya sa 35 T-shirts, ngunit tatlo rito ang hindi kinilala ng Guinness World Records dahil hindi umano ito maayos na naisuot.

Sa huli, naitala ang opisyal na bilang na 32 T-shirts — sapat upang masungkit ni Rush ang panibagong Guinness World Record title.