--Ads--

Hindi pabor ang isang political analyst sa isinusulong na “videoconferencing participation” ng Senate majority bloc para sa ilang mga senador na hindi makadadalo nang pisikal sa mga sesyon, na nauwi sa pag-walk out ng minorya sa plenary session noong Martes, Mayo 26.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Michael Henry Yusingco, political analyst at constitutional law expert, sinabi niya na bagamat hindi siya pabor sa panukala, hindi maitatanggi na may ilang positibong aspeto ito.

Nagbibigay-daan ang video conferencing upang makadalo pa rin ang mga senador kahit sila ay nasa ibang lugar, nasa official travel, may sakit, o may emergency. Nakakatulong ito upang hindi maantala ang mga pagdinig at sesyon at mapanatili ang tuloy-tuloy na operasyon ng lehislatura.

Sa pamamagitan ng online participation, mas madaling makabuo ng quorum at agad na makapagpatuloy sa deliberasyon ng mga panukalang batas at iba pang mahahalagang usapin ng Senado.

--Ads--

Hindi na rin kinakailangang bumiyahe pa ng mga senador mula sa malalayong lugar para lamang makadalo sa maiikling sesyon o pagdinig, na maaaring makatipid sa oras at logistical requirements ng institusyon.

Gayunman, hindi maikakaila ang ilang negatibong epekto nito, kabilang ang pangamba na maaaring maging dahilan ito upang mas madalas nang hindi pisikal na dumalo ang ilang senador kahit kaya naman nilang pumunta sa Senado.

Isa rin sa mga isyu ang posibilidad na mas mahirap matiyak kung may ibang tao sa paligid ng senador habang nasa virtual session o kung may external influence habang sila ay nagdedesisyon, na maaaring makaapekto sa integridad ng proseso ng pagboto at deliberasyon.

Sakali mang ipatupad ito, dapat malinaw ang mga guidelines at safeguards, kabilang ang mahigpit na probisyon na hindi ito maaaring gamitin ng isang senador na nakakulong o nagtatago sa batas.

Ayon pa sa kanya, batay sa umiiral na prinsipyo sa judicial system ng bansa, kapag ang isang personalidad ay itinuturing na detention prisoner o fugitive from justice, may mga umiiral nang restriksyon sa kanyang karapatan, kaya’t hindi dapat ma-avail ang online voting at teleconferencing privileges ng isang senador sa ganitong sitwasyon, tulad ng naging kaso ni dating Senador Leila De Lima na hindi pinayagan ng korte.

Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang diskusyon sa Senado hinggil sa panukalang electronic participation at voting, kung saan nahahati ang mga senador sa pagitan ng modernisasyon ng proseso at pagpapanatili ng tradisyunal na face-to-face deliberation.

Pinayuhan naman niya ang publiko na maging mapagmatyag sa mga nangyayari sa Senado at masusing bantayan ang mga desisyon at hakbang ng mga mambabatas, lalo na sa mga usaping maaaring makaapekto sa integridad ng proseso ng paggawa ng batas at sa pulitikal na aspeto ng gobyerno.