--Ads--

Isang malungkot na insidente ang naganap sa Senado matapos ang kaguluhang sitwasyon kung saan umalingawngaw umano ang mga putok ng baril sa loob ng gusali.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo Cayosa, isang political analyst at constitutional law expert, sinabi nito na nakababahala ang tinatawag niyang “drama” sa hanay ng ilang matataas na opisyal ng pamahalaan na inaasahang magsisilbing huwaran ng maayos na pamumuno.

Iginiit ng abogado na mahalagang manaig ang Rule of Law at sundin ang wastong proseso ng batas, partikular sa mga kasong kinakaharap ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na may kaugnayan umano sa crimes against humanity, na itinuturing na isa sa pinakamabigat na krimen sa ilalim ng international law.

Ayon pa kay Cayosa, umiiral na ang warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC), ngunit may mga personalidad umano na patuloy na napoprotektahan ng kanilang mga kaalyado sa pulitika.

--Ads--

Binigyang-diin din niya na walang sinuman ang may immunity sa ganitong uri ng kaso, at dapat panagutin ang sinumang mapatutunayang may kinalaman, dahil ang crimes against humanity ay may mabibigat na parusa kabilang ang mahabang pagkakakulong.

Dagdag pa ng eksperto, tila nagpapakita umano ng pagbaluktot sa prinsipyo ng batas ang ilang pahayag at kilos ng mga opisyal, na nagdudulot ng pagdududa sa integridad ng umiiral na legal process.

Samantala, batay sa ilang ulat, ang unang putok ay maaaring nagmula sa Senate Sergeant-at-Arms, habang patuloy pang bineberipika ang buong detalye ng insidente.

Iginiit din niya na dapat imbestigahan ang pangyayari at ilabas ang CCTV footage sa loob ng gusali upang malinawan ang publiko at matukoy ang katotohanan sa likod ng insidente.

Nanawagan din siya na papanagutin ang sinumang mapatutunayang responsable, dahil nalagay sa panganib ang buhay ng mga media at iba pang indibidwal nasa loob ng gusali.

Hinikayat din niya ang Korte Suprema na agarang resolbahin ang petisyon ni Sen. Dela Rosa upang mabigyang-linaw ang usapin at maiwasan ang lalong paglala ng tensyon at magkakasalungat na interpretasyon ng batas.

Giit pa niya, habang wala pang inilalabas na Temporary Restraining Order (TRO) ang Korte Suprema, hindi dapat hadlangan ang anumang legal na proseso ng pag-aresto kung ito ay naaayon sa umiiral na batas.

Dagdag pa niya, ang anumang resolusyon na hindi itinuturing na batas ay walang sapat na kapangyarihang pumigil sa pagpapatupad ng warrant o desisyon ng hukuman.