Nakahanda na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa posibleng epekto ng Habagat na inaasahang palalakasin ng Bagyong Domeng ngayong weekend.
Ayon sa weather bureau na PAGASA, bagamat hindi direktang magla-landfall ang bagyo sa bansa, hihilahin naman nito ang hanging habagat na magdudulot ng malalakas na pag-ulan sa Metro Manila, Ilocos Region, Central Luzon, CALABARZON, Mimaropa, at ilang bahagi ng Visayas.
Upang matiyak ang mabilis na pagtugon, tiniyak ng DSWD na naka-alerto na ang kanilang mga regional Field Offices at Quick Response Teams para sa agarang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan.
As of May 29, naglaan ang ahensiya ng kabuuang ₱49,153,275 na binubuo ng standby funds, libo-libong Family Food Packs, at mga non-food items tulad ng hygiene kits at blankets na estratehikong naka-preposition na sa mga regional warehouse.
Samantala, mahigpit na pinapayuhan ng DSWD at ng NDRRMC ang publiko, partikular ang mga nakatira sa mga mabababang lugar na madalas bahain at mga tabing-bundok na delikado sa landslide, na manatiling alerto at subaybayan ang mga opisyal na weather advisory. Hinimok din ng pamahalaan ang mga residente na agad na sumunod sa mga lokal na awtoridad kung sakaling ipatupad ang preemptive evacuation para sa kaligtasan ng lahat.











