--Ads--

Iginiit ni dating AnaKalusugan Party-list Rep. Mike Defensor na walang kapalit na pabor o anumang hinihinging benepisyo kaugnay ng kanyang ibinigay na donasyon sa kampanya ni Sen. Rodante Marcoleta noong 2025 midterm elections.

Ayon kay Defensor, hindi maaaring ituring na plunder ang naturang donasyon dahil wala itong kinalaman sa paglustay o pagnanakaw ng pondo ng pamahalaan. Aniya, ang kaso ng campaign donation ay nauna nang ibinasura ng Commission on Elections (Comelec).

Paliwanag pa niya, ang plunder ay nangangailangan ng paggamit o pagkamkam ng pondo ng gobyerno, o kaya naman ay may ibinigay na pera kapalit ng isang pabor o benepisyo. Aniya, walang ganitong pangyayari sa kanyang naging donasyon.

Nahaharap sina Marcoleta, Defensor, at dalawa pang indibidwal sa reklamong plunder at indirect bribery na isinampa ng mga prosecutor ng Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y pagtanggap ng P75 milyong campaign donation.

--Ads--

Samantala, naglabas noong Martes ang Seventh Division ng Sandiganbayan ng precautionary hold departure order laban sa mga respondent upang hindi sila makaalis ng bansa habang dinidinig ang kaso.