Nagpaalala ang Bureau of Fire Protection (BFP) Cauayan sa publiko na maging maingat sa paggamit ng mga kagamitang de-kuryente kasunod ng naganap na sunog sa tanggapan ng Professional Regulation Commission (PRC) Cauayan Service Center.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kina Fire Chief Inspector Roger Esteban, Fire Marshal ng BFP Cauayan, at Fire Officer 1 Vincent Warren Planna, imbestigador ng BFP Cauayan, sinabi nilang isa sa mga pangunahing tinitingnang posibleng sanhi ng sunog ay overheating ng electrical equipment bagama’t nagpapatuloy pa rin ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang eksaktong pinagmulan ng insidente.
Ayon sa mga opisyal, mahalagang regular na inspeksyunin ang mga electrical wiring, appliances at iba pang kagamitang gumagamit ng kuryente upang maiwasan ang sobrang pag-init na maaaring pagmulan ng sunog.
Binigyang-diin din nila ang kahalagahan ng pag-iwas sa overloading ng mga saksakan at ang pagsisigurong nakapatay o nakatanggal sa pagkakasaksak ang mga appliances kapag hindi ginagamit.
Samantala, agad namang rumesponde ang mga tauhan ng BFP Cauayan upang maapula ang sunog at mapigilan ang pagkalat nito sa mga kalapit na establisimyento.
Wala namang naitalang nasugatan sa insidente habang patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang kabuuang halaga ng pinsalang dulot ng sunog.
Kasabay nito, nanawagan ang BFP sa publiko na maging responsable sa paggamit ng kuryente upang maiwasan ang mga insidenteng maaaring magdulot ng panganib sa buhay at ari-arian.
Ganito ang bahagi ng pahayag nina FCINSP. Roger Esteban at FO1 Vincent Warren Planna.









