--Ads--

Patuloy na nakaaapekto sa Northern at Central Luzon ang Tropical Depression na si Ester at ang pinalalakas nitong habagat, na nagdadala ng pag-ulan at malalakas na hangin sa ilang bahagi ng bansa.


Ayon sa pinakahuling tala alas-3:00 ng madaling araw, namataan ang sentro ng Tropical Depression Ester sa layong 220 kilometro hilagang-kanluran ng Itbayat, Batanes. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 55 kilometro kada oras habang kumikilos pahilagang-silangan sa bilis na 20 kilometro kada oras.

Inaasahan ang maulan at mahangin na panahon sa Batanes dahil sa direktang epekto ng bagyo. Posible ang pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.

Samantala, makararanas ng paminsan-minsang pag-ulan ang Ilocos Region, Abra, Benguet, at Zambales dahil sa habagat. Pinag-iingat ang mga residente sa posibleng pagbaha at landslide lalo na sa mga mabababang lugar at bulubundukin.

--Ads--

Sa Metro Manila, natitirang bahagi ng Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region, gayundin sa Bataan, Cavite, Batangas, at Occidental Mindoro, inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog.

Sa nalalabing bahagi ng bansa, bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan ang mararanasan na may posibilidad ng mga panandaliang pag-ulan o thunderstorms dulot ng localized thunderstorms.

Para naman sa lagay ng karagatan, katamtaman hanggang malalakas na hangin mula timog-kanluran ang mararanasan sa Northern at Central Luzon na may katamtaman hanggang maalon na karagatan na may taas ng alon na 1.2 hanggang 3.4 metro.

Pinapayuhan ang publiko, lalo na ang mga nasa lugar na madalas bahain at malapit sa mga baybayin na magmonitor ng mga susunod na ulat-panahon at sundin ang mga abiso ng mga lokal na awtoridad.