--Ads--

Nananatili ang lakas ng Tropical Depression Pilandok habang kumikilos ito pahilagang-kanluran sa karagatang silangan ng Extrme Northern Luzon.

Sa tala ng PAGASA alas-10:00 ng gabi, namataan ang sentro ng bagyo sa layong 1,060 kilometro silangan ng Extreme Northern Luzon.

Taglay nito ang pinakamalakas na hanging aabot sa 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 70 kilometro kada oras. Kumikilos ito pahilagang-kanluran sa bilis na 10 kilometro kada oras.

Umaabot naman hanggang 580 kilometro mula sa sentro nito ang lakas ng hanging dala ng bagyo.

--Ads--

Sa kasalukuyan, wala pang nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal sa anumang bahagi ng bansa.

Gayunman, patuloy na pinalalakas ng habagat o southwest monsoon ang pag-ulan at malalakas na bugso ng hangin sa maraming bahagi ng bansa. Ayon sa PAGASA, makararanas ng malalakas hanggang gale-force na hangin ang karamihan sa Luzon at Visayas hanggang Miyerkules, gayundin ang ilang bahagi ng Mindanao kabilang ang Zamboanga del Norte, Misamis Occidental, Lanao del Norte, Misamis Oriental, Camiguin, Dinagat Islands, Davao Occidental at Davao Oriental.

Inaasahang halos mananatili sa isang lugar si Pilandok sa susunod na 24 oras bago kumilos pahilagang-hilagang-kanluran. Posibleng lumabas ito sa Philippine Area of Responsibility o PAR pagsapit ng Miyerkules ng gabi o Huwebes ng umaga.

Mas maliit ang posibilidad na mag-landfall ito sa bansa dahil mananatili itong malayo sa kalupaan ng Pilipinas. Gayunman, maaari pang magbago ang forecast track dahil mataas pa ang kawalan ng katiyakan sa magiging galaw nito.

Posible namang lumakas si Pilandok at maging tropical storm bukas, Setyembre 1, at inaasahang mananatili itong tropical storm habang kumikilos patungong southern Japan.