Itinanggi ng Philippine National Police (PNP) ang mga ulat tungkol sa umano’y planong destabilisasyon laban sa Malacañang sa darating na pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.
Ayon kay acting PNP spokesperson Police Col. Allen Rae Co, wala silang natatanggap na beripikadong intelligence report kaugnay ng anumang banta sa Hunyo 12. Tiniyak din niya na nakahanda at nakaalerto ang buong hanay ng pulisya upang masiguro ang kaayusan at seguridad ng mga pagdiriwang sa buong bansa.
Ang pahayag ng PNP ay kasunod ng social media post ni Ramon “Mon” Tulfo na nagsasabing nagkaroon umano ng closed-door command conference sa Camp Crame kaugnay ng isang planong destabilisasyon.
Nilinaw naman ng PNP na ang naturang pagpupulong ay nakatuon sa paghahanda para sa seguridad ng Araw ng Kalayaan, State of the Nation Address (SONA), Senado, at iba pang programa para sa kaligtasan ng publiko.
Hinimok din ni Co ang publiko na mag-ingat sa pagpapakalat ng hindi pa beripikadong impormasyon at iwasang maging bahagi ng posibleng disinformation.











