--Ads--

Nanawagan ang Malacañang sa mga grupong nagbabalak magsagawa ng kilos-protesta na ipagpaliban muna ang kanilang mga demonstrasyon habang ginaganap sa bansa ang ASEAN Summit.

Ayon kay Palace Press Officer at PCO Usec. Claire Castro, mahalagang ipakita ng Pilipinas ang pagkakaisa at magandang imahe sa harap ng mga dayuhang delegasyon na dumalo sa naturang pagtitipon.

Dahil dito, hinikayat niya ang mga raliyista na makipagtulungan sa pamahalaan at idaan sa maayos na dayalogo ang kanilang mga hinaing sa halip na magsagawa ng protesta.

Tiniyak naman ng Palasyo na nananatiling umiiral ang polisiya ng maximum tolerance na ipinatutupad ng Pangulo, Department of the Interior and Local Government (DILG), at Philippine National Police (PNP).

--Ads--

Gayunman, nilinaw na hindi mag-aatubili ang mga awtoridad na umaksyon sakaling magkaroon ng paglabag sa batas, panggugulo o pananakit sa mga pulis.