Isang ginang ang nawalan ng P6,000 na nakalaan sana sa pambili ng mga gamit sa eskwela ng kanyang apo matapos umanong malaslasan ng bag at manakawan habang namimili sa Santiago City, kahapon, Hunyo 7.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Rebecca Yarcia, residente ng Barangay Bannawag Sur, Diffun, Quirino, sinabi nitong kasama niya ang kanyang pitong taong gulang na apo nang mamili sila ng mga gamit para sa pagbubukas ng klase ngayong araw ng Lunes.
Ayon kay Yarcia, kukuha na sana siya ng pera mula sa kanyang wallet upang magbayad ng kanilang mga bibilhin nang madiskubre niyang nawawala na ito. Nang suriin niya ang kanyang bag, nakita niyang nalaslas na ito at wala na ang kanyang pitaka.
Aniya, naglalaman ang wallet ng humigit-kumulang P6,000 na ipinadala ng kanyang anak at nakalaan sana sa pagbili ng sapatos, bag, payong, grocery at iba pang pangangailangan ng kanyang apo para sa pasukan.
Bukod sa pera, nawala rin ang ilang mahahalagang personal na dokumento at mga identification card na nasa loob ng kanyang wallet.
Umaasa naman si Yarcia na matutukoy at mahuhuli ang responsable sa insidente upang mabawi ang kanyang mga nawalang gamit.











