Arestado ang isang 22-anyos na lalaki matapos umanong nakawin ang dalawang panabong na manok ng isang magsasaka sa Purok 2, Barangay Sangbay, Nagtipunan, Quirino.
Kinilala ang complainant sa alyas na “John,” 44-anyos, habang ang suspek ay kinilala sa alyas na “Ben,” 22-anyos. Kapwa sila residente ng nasabing barangay.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Nagtipunan Police Station, nakatali sa bakuran ng complainant ang dalawang panabong na manok bago niya napansing nawawala ang mga ito.
Sa isinagawang paghahanap at pagtatanong sa mga kapitbahay, nalaman ng complainant na nakita umano ng isang saksi na 57-anyos, ang suspek na may dalang dalawang panabong na manok noong hapon ng Oktubre 31, 2026.
Dahil dito, nagtungo ang mga pulis kasama ang complainant at saksi sa kinaroroonan ng suspek sa Purok 5, Barangay Sangbay, kung saan ito naaresto.
Narekober din ng mga awtoridad ang dalawang panabong na manok na dinala kasama ng suspek sa Nagtipunan Police Station para sa kaukulang disposisyon.











