--Ads--

Naghain ng mungkahi si Atty. Jose Luis Montales, ang itinalagang Senate Secretary sa ilalim ng pamumuno ni Senador Alan Peter Cayetano, para sa isang pansamantalang kasunduan o interim arrangement upang hindi maparalisa ang operasyon ng Senado at ang mga pagdinig sa impeachment court sa gitna ng nagpapatuloy na agawan sa liderato.

Ang hakbang na ito ay kasunod ng matinding girian kung saan parehong iginigiit ng grupo ni Cayetano at ng kampo ni Senador Sherwin Gatchalian na sila ang lehitimong namumuno sa Mataas na Kapulungan.

Sa ilalim ng panukala ni Montales, ipatutupad ang isang dual-signatory o joint-certification system para sa mga opisyal na transaksyon at dokumento ng Senado habang wala pang pinal na desisyon kung aling kampo ang may tunay na awtoridad.

Kasabay nito, muling binigyang-diin sa naturang liham ang paninindigan ni Cayetano na ilegal ang mga naging dinaluhang sesyon noong Hunyo 3. Gayunpaman, umapela si Montales na dapat protektahan ang mga empleyado at tauhan ng Senado upang hindi sila maipit o maguluhan sa mga magkakasalungat na utos mula sa dalawang naglalabang paksyon.

--Ads--