Inaprubahan na ng Senado ang panukalang P7.2-trilyong pambansang badyet para sa taong 2027 matapos ang limang araw na plenary deliberations kung saan isa-isang sinuri at binusisi ng mga senador ang hinihinging pondo ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Matapos ang pag-apruba, susunod na haharapin ng panukalang badyet ang Bicameral Conference Committee na binubuo ng mga kinatawan mula sa Senado at Kamara de Representantes.
Sa ilalim ng bersyon ng Senado, kabilang sa mga pangunahing prayoridad ang pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan, edukasyon, agrikultura at imprastraktura.
Iminungkahi rin ang paglalaan ng P378.6 bilyon para sa Department of Health at mga attached agencies nito, kabilang ang karagdagang P19.8 bilyon na subsidy para sa PhilHealth upang maging P94.2 bilyon ang kabuuang pondo nito.
Para naman sa edukasyon, nakapaloob ang P915.4 bilyong alokasyon para sa Department of Education, kabilang ang dagdag na P11 bilyon para sa School-Based Feeding Program.
Sa imprastraktura, inalis ng Senate Finance Committee ang tinatayang P97 bilyong halaga ng mga proyekto ng Department of Public Works and Highways, kabilang ang 3,132 proyekto na may kulang na dokumentong kinakailangan.
Samantala, ibinalik ang P33.097 bilyon para sa mga proyektong pang-imprastrakturang pinondohan sa pamamagitan ng foreign assistance, kasama ang karagdagang pondo para sa Metro Manila Subway at North-South Commuter Railway.
Ayon kay Senate Finance Committee Chairperson JV Ejercito, magsasagawa pa ng karagdagang pagsusuri sa panukalang badyet bago ang bicameral conference upang matiyak na hindi maisasama ang mga kuwestiyonableng proyekto, dobleng alokasyon at mga pondong kulang sa kinakailangang dokumento.
Sa bicameral conference, pag-uusapan at pagtutugmain ng mga senador at kongresista ang mga pagkakaiba sa bersyon ng panukalang badyet ng dalawang kapulungan bago ito ratipikahan ng Kongreso at isumite sa Pangulo para sa lagda.











