--Ads--

Umakat na sa 35 katao ang kumpirmadong nasawi matapos dumanas ang Mindanao ng malakas na magnitude 7.8 na lindol, batay sa pinakahuling ulat mula sa Office of Civil Defense o OCD.

Sa inilabas na datos ng OCD nitong gabi ng Lunes, Hunyo 8, naitala ang 31 na patay sa rehiyon ng SOCCSKSARGEN habang apat naman ang nasawi sa Davao Region. Sa mga biktima sa SOCCSKSARGEN, 17 ang nagmula sa Sarangani, 12 sa General Santos City, at dalawa sa South Cotabato.

Samantala, iniulat naman ng Agence France-Presse na mayroon pang mga residenteng nawawala sa kasalukuyan, habang umabot na sa 134 na indibidwal ang opisyal na naitalang sugatan.

Ayon kay Rene Punzalan, ang disaster chief ng lalawigan ng Sarangani, 14 sa mga nasawi ay mula sa bayan ng Glan matapos tabunan ng gumuhong lupa ang kanilang mga kabahayan. Sinabi ni Punzalan na naganap ang landslide agad-agad pagkatapos ng pagyanig kaya marami ang hindi na nakaligtas.

--Ads--

Inamin din ng opisyal na komunikasyon ang kanilang pinakamalaking hamon sa ngayon dahil naputol ang supply ng kuryente, dahilan upang maging mahirap ang pagkuha ng mga sariwang ulat mula sa mga apektadong lugar.

Bukod dito, labis din ang pag-aalala ng kanilang pamunuan sa mga posibleng malalakas na matitirang pagyanig o aftershocks dahil ramdam na ramdam pa rin ang takot at pangamba ng mga lokal na residente.

Matatandaang niyanig ng magnitude 7.8 na lindol ang malaking bahagi ng Mindanao nitong Lunes ng umaga na nagdulot din ng pinsala at babala ng tsunami sa mga baybayin.