--Ads--

Nagsagawa ng Inspection at monitoring ang Department of Agriculture (DA) Region 2 katuwang ang ibat-ibang ahensya ng pamahalaan sa mga rice retailers sa mga pamilihan sa Cauayan City upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa itinakdang presyo ng bigas sa merkado.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Executive Director Dr. Rose Mary Aquino ng DA Region 2, sinabi niyang ilang bayan at lungsod sa rehiyon ang kanilang naiikot na, at nasa humigit-kumulang 80% ng mga negosyante ang sumusunod sa tamang labeling ng kanilang ibinebentang local at imported rice.

Ayon pa kay Aquino, may ilang tindero ang nabibigla pa sa ipinatupad na P50 kada kilo na price cap sa imported rice, ngunit karamihan sa Region 2 ay nananatiling mas malakas ang bentahan ng lokal na bigas dahil mas tinatangkilik ito ng mga mamimili kumpara sa imported rice.

Dagdag niya, kapansin-pansin na hindi rin gaanong lumalakas ang presensya ng imported rice sa merkado dahil mas pinipili pa rin ng mga konsyumer ang lokal na produksyon, kaya’t wala umanong malakas na kompetisyon sa pagitan ng dalawang uri ng bigas sa rehiyon.

--Ads--

Sa kabila nito, tiniyak ng DA na magpapatuloy ang kanilang monitoring sa mga pamilihan bilang bahagi ng panandaliang hakbang ng pamahalaan upang protektahan ang mga mamimili at masigurong hindi maaabuso ang presyo ng imported rice sa merkado.

Nanawagan naman siya sa mga rice retailers na sundin ang itinakdang price cap sa imported rice at tiniyak ni Dr. Aquino na magiging flexible muna sila sa unang inspection para makapag-adapt ang mga negosyante sa presyo ng kanilang paninda.