Inanunsyo ng royal household ng Thailand ang pagpanaw ni Princess Bajrakitiyabha of Thailand sa edad na 47, matapos ang mahigit tatlong taon na pagkaka-coma.
Ayon sa ulat, nawalan siya ng malay noong Disyembre 2022 habang nag-eehersisyo kasama ang kanyang mga aso. Sinabi ng kanyang mga doktor na ito ay dulot ng matinding irregular heartbeat na may kaugnayan sa mycoplasma infection sa kanyang puso.
Ayon sa palasyo, ibinigay ng medical team ang pinaka-intensibong gamutan, ngunit patuloy pa ring lumala ang kanyang kondisyon hanggang sa pumanaw siya sa Chulalongkorn Hospital.
Si Princess Bajrakitiyabha ang panganay na anak ni King Vajiralongkorn at itinuturing na isa sa pinaka-prominenteng miyembro ng Thai royal family.
Nag-aral siya ng abogasya at nakapagtapos ng dalawang post-graduate degrees sa Cornell University sa Estados Unidos. Nagtrabaho rin siya sa UN mission sa New York at kalaunan ay sa Attorney-General’s Office sa Thailand.
Nagsilbi rin siya bilang ambassador sa Austria at naging tagapagtaguyod ng reporma sa criminal justice system, partikular sa kalagayan ng kababaihang bilanggo.
Dahil sa kanyang kakayahan at aktibong papel sa public service, madalas siyang itinuturing na mahalagang personalidad sa usapin ng royal succession sa Thailand. Sa kanyang pagpanaw, muling nabuksan ang tanong hinggil sa hinaharap ng monarkiya ng bansa.











