Pansamantalang ipinasara ng lokal na pamahalaan ng Dipaculao, Aurora ang isang resort kung saan nalunod ang dalawang Ateneo basketball players na sina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili.
Kasunod ito ng inilabas na temporary closure order laban sa Hermanos Leisure and Farm Resort matapos iutos ni Mayor Danilo Tolentino ang masusing imbestigasyon sa insidente.
Sa inspeksyon ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang lokal na tanggapan at Philippine Coast Guard (PCG), natuklasang hindi umano nakasunod ang resort sa ilang safety requirements at probisyon ng lokal na ordinansa para sa mga resort at tourist establishments.
Ayon sa mga awtoridad, bahagi ang hakbang ng pinaigting na pagpapatupad ng mga regulasyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga bisita, lalo na sa mga lugar na may water-based activities.
Matatandaang nasawi ang dalawa noong Hunyo 8 matapos umanong malunod habang nasa team-building activity sa naturang resort.











