Dumagsa ang mga miyembro ng Isabela Electric Cooperative sa isinagawang ika-46 na Annual General Membership Assembly o AGMA bilang bahagi ng taunang pagtitipon ng kooperatiba na naglalayong higit pang patatagin ang ugnayan sa mga member-consumers at maipabatid ang mahahalagang usapin kaugnay ng operasyon at serbisyo ng kooperatiba.
Sa naturang pagtitipon, naging tampok ang pagtalakay sa mga programa, proyekto at iba pang impormasyon na may direktang epekto sa mga kasapi, kasabay ng pagbibigay ng iba’t ibang benepisyo at insentibo sa mga dumalo.
Ayon kay Engineer Bonifacio Bibat ng Area Operation Management Department, taunang isinasagawa ang AGMA tuwing unang bahagi ng buwan ng Hunyo bilang bahagi ng mandato ng kooperatiba na mapanatili ang aktibong partisipasyon ng mga miyembro sa mga usaping may kinalaman sa serbisyo ng kuryente.
Ipinaliwanag nito na habang nagrerehistro ang mga dumadalong member-consumers ay may nakalaang tig-200 pisong transportation assistance, bukod pa sa libreng pagkain, meryenda at limitadong bilang ng mga payong na ipinamamahagi sa ilalim ng first come, first served basis.
Ayon pa kay Engr. Bibat, malaking bahagi ng inilaan na pondo ay para sa pagkain ng mga dumalo upang masiguro ang maayos na pagdaraos ng pagpupulong.
Binigyang-diin din nito na mahalaga ang aktibong pakikilahok ng mga consumer dahil dito inihaharap at tinatalakay ang kalagayang pinansyal ng kooperatiba, mga proyekto at iba pang inisyatibong layuning mapahusay ang kalidad ng serbisyong naibibigay sa mga komunidad na kanilang pinaglilingkuran.










