Magpapatupad ang Isabela 1 Electric Cooperative (ISELCO 1) ng dalawang porsiyentong late payment fee sa mga konsumer na hindi makapagbabayad ng kanilang electric bill sa itinakdang due date, alinsunod sa Energy Regulatory Commission (ERC) Resolution No. 30, Series of 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay April Agsunod, Supervisor ng Cooperative Communication and Social Marketing Office ng ISELCO 1, sinabi nitong layunin ng bagong patakaran na hikayatin ang mga konsumer na magbayad sa tamang oras at matulungan ang kooperatiba na matugunan ang mga obligasyong pinansyal nito, partikular ang pagbabayad sa mga power supplier.
Ipinaliwanag ni Agsunod na hindi dapat lumampas sa dalawang porsiyento ng kasalukuyang buwanang bill ang late payment fee, bukod pa sa 12 porsiyentong Value Added Tax (VAT) na ipapataw sa nasabing singil.
Halimbawa, kung ₱1,000 ang bill ng konsumer noong Disyembre at hindi ito nabayaran sa due date, magkakaroon ito ng ₱20 na late payment fee at ₱2.40 na VAT, o kabuuang ₱22.40 na karagdagang singil sa susunod na billing statement.
Kung partial payment naman ang nagawa matapos ang due date, ang natitirang hindi nabayarang halaga na lamang ang magiging batayan sa pagkukuwenta ng susunod na late payment fee.
Ayon kay Agsunod, ipatutupad ang late payment fee pagkatapos ng due date na nakasaad sa Statement of Account (SOA), at makikita ang kaukulang singil sa susunod na electric bill kasama ang disconnection notice.
Binigyang-diin din niyang hindi saklaw ng bagong patakaran ang mga arrears o dating hindi nabayarang balanse bago ang December 2026 billing period. Tanging ang current bill simula Disyembre ang maaaring patawan ng late payment fee.
Kaya naman, pinayuhan ng ISELCO 1 ang mga konsumer na bayaran ang kanilang electric bill bago o sa mismong due date upang maiwasan ang karagdagang singil.










