Inaasahan ang bahagyang paggaan ng buwanang electricity bill ng mga konsyumer matapos ipatupad ng Isabela Electric Cooperative, Inc. (ISELCO-1) ngayong buwan ng Setyembre ang pagtanggal sa 12% Value Added Tax (VAT) sa system loss charges sa mga singil ng kuryente.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay April Joyce T. Agsunod, Supervisor ng ISELCO-1, kinumpirma nitong fully-compliant at ipatutupad ng kooperatiba ang Circular No. 97-2026 o pagtanggal ng VAT sa system loss chages ngayong Setyembre.
Aniya, layunin ng nasabing direktiba na mas mapagaan ang pasanin ng mga konsyumer sa kabila ng nagpapatuloy na pagtaas ng mga bilihin, pati na rin ang produktong petrolyo at LPG.
Samntala, inihayag din ni Agsunod ang panibagong power rates ngayong buwan, kung saan nasa ₱12.97 kada kilowatt-hour ang singil para sa mga residential consumer, ₱12.09 kada kilowatt-hour para sa low-voltage consumers gaya ng maliliit na negosyo at establisimyento, at ₱10.46 kada kilowatt-hour para sa high-voltage consumers kabilang ang malalaking industriya at pabrika.
Nagpaalala ang pamunuan ng ISELCO-1 sa mga miyembro-consumer na maaari pa ring tumaas ang kanilang buwanang bills sa kuryente. Ito ay sa kabila ng mga kasalukuyang adjustment, dahil nakadepende pa rin ang presyo sa anumang paggalaw ng market price sa sektor ng enerhiya.
Ayon sa kooperatiba, nananatiling sensitibo ang kabuuang rate sa pagbabago ng presyo ng langis at kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market o WESM, pati na rin sa halaga ng generation charges na ipinapasa ng mga power supplier.
Dahil dito, patuloy na nanawagan ang ISELCO-1 sa publiko na maging matipid at maingat sa paggamit ng mga kagamitang pangkuryente upang mabawasan ang epekto sa buwanang billing.











