--Ads--

Naging dikit at punô ng tensyon ang laban ng Qatar at Switzerland sa Group B ng FIFA World Cup 2026 matapos itong magtapos sa 1-1 draw.

Sa unang bahagi ng laro, maagang nakapuntos ang Switzerland mula sa isang penalty kick ni Breel Embolo sa ika-17 minuto, matapos ang foul sa loob ng penalty area. Sa kabila ng maagang lamang, hindi tuluyang nakontrol ng Swiss ang laro dahil naging mas agresibo ang Qatar sa second half.

Pagdating ng huling minuto ng laban, bumawi ang Qatar sa pamamagitan ng makapangyarihang header ni Boualem Khoukhi.

Dahil sa resulta, parehong nakakuha ng tig-isang puntos ang dalawang koponan sa kanilang unang laban sa grupo B, habang patuloy na nagiging bukas ang laban para sa pag-angat sa knockout stage.

--Ads--

Samantala, inihayag ni Sports Analyst Engr. Genaro Lucas na sa mga unang resulta ng torneo, kapansin-pansin ang matitinding bakbakan at mga hindi inaasahang kinalabasan sa group stage.

Sa naging pagsusuri ni Engr. Lucas, isa sa mga highlight ay ang tabla sa pagitan ng Canada at Bosnia at Herzegovina sa Group B, kung saan ipinakita umano ng Bosnia na hindi dapat maliitin ang mga bansang mula sa Europe matapos makipagsabayan sa isa sa mga mas mataas ang ranggo sa torneo.

Sa kabilang banda, namayagpag naman ang Estados Unidos matapos tambakan ang Paraguay sa iskor na 4–1 sa kanilang pambungad na laban sa Group D. Tampok sa laro ang mahusay na performance ni Folarin Balogun na nakapagtala ng dalawang goal habang nadagdagan pa ng isang own goal mula sa panig ng Paraguay.

Ipinaliwanag din na ang tinatawag na own goal ay isang sitwasyon kung saan aksidenteng naipasok ng manlalaro ang bola sa sarili nilang goal.

Bagama’t malaking dagok ito sa isang koponan, hindi pa nangangahulugan na tapos na ang kanilang kampanya dahil may natitira pang mga laban sa group stage na maaaring maging daan upang makabawi at makausad sa knockout round.