Umabante sa semifinals ng FIFA World Cup ang France matapos talunin ang Morocco, 2-0, sa quarterfinal match na ginanap sa Boston Stadium.
Nagtapos na walang iskor ang unang hati ng laban sa kabila ng matinding dominasyon ng France. Ilang beses nilang nabantaan ang depensa ng Morocco ngunit bigong makahanap ng goal, kabilang na ang hindi naipasok na penalty kick ni Kylian Mbappe sa ika-28 minuto.
Nanatiling matatag ang depensa ng Morocco sa unang 45 minuto at nakasabay sa matinding opensiba ng mga Pranses. Sinubukan din nilang makagawa ng pagkakataon sa pamamagitan ng free kick ni Achraf Hakimi bago matapos ang first half.
Pagsapit ng ikalawang yugto, tuluyang nabasag ng France ang depensa ng Morocco nang maisalpak ni Mbappe ang unang goal sa ika-60 minuto mula sa pasa ni Desire Doue. Ito ang ikawalong goal ni Mbappe sa torneo.
Anim na minuto lamang ang lumipas ay nadagdagan pa ang kalamangan ng France matapos magpakawala si Ousmane Dembele ng malakas na tira mula sa labas ng penalty area. Si Mbappe naman ang nagbigay ng assist para sa ikalimang goal ni Dembele sa kampanya.
Sa kabila ng pagiging walang talo ng Morocco bago ang laban, hindi nila napigilan ang mabagsik na opensiba ng France na nagwagi sa kanilang ikaanim na sunod na laban sa torneo.
Dahil sa panalo, isang hakbang na lamang ang France mula sa muling pag-abot sa World Cup final.











