--Ads--

Nagsagawa ang City Government of Santiago ng Drug-Free Workplace Orientation at drug testing para sa mga empleyado nito bilang bahagi ng paggunita sa International Day Against Drug Abuse and Illicit Trafficking (IDADAIT) 2026 na taunang ipinagdiriwang tuwing Hunyo 26.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo kay Ginoong Rowelle Beltran, Administrative Aide VI ng City Anti-Drug Abuse Office (CADAO), mas maagang isinagawa ang aktibidad ngayong taon upang maisulong ang layunin ng lokal na pamahalaan na makamit ang pagkilala bilang isang drug-free workplace.

‎Sinabi ni Beltran na kabilang sa programa ang orientation para sa mga empleyado ng lokal na pamahalaan at lecture mula sa mga kinatawan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) tungkol sa mga probisyon ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at sa mga alituntunin para sa sertipikasyon ng isang institusyon bilang drug-free workplace.

‎Ipinaliwanag niya na ang drug testing ang pangunahing bahagi ng aktibidad dahil isa ito sa mga mahalagang rekisito upang maideklarang drug-free workplace ang City Government of Santiago.

--Ads--

‎Ayon pa kay Beltran, nakapagsagawa na noon ng mga kahalintulad na drug testing ang lokal na pamahalaan ngunit hindi pa ito naging bahagi ng opisyal na proseso ng sertipikasyon ng PDEA. Umaasa aniya ang lungsod na matapos ang kasalukuyang programa ay makamit na nito ang nasabing pagkilala sa tulong ng ahensya.

‎Inihayag din niya na sa mga naunang drug testing ay may ilang empleyadong nagpositibo sa paggamit ng ilegal na droga. Ang mga ito umano ay isinailalim sa Drug Dependency Examination upang masukat ang antas ng kanilang pagdepende sa droga at matukoy ang naaangkop na interbensyon.

‎Dagdag pa ni Beltran, nabigyan ng kaukulang assessment at intervention ang lahat ng empleyadong nagpositibo sa mga naunang pagsusuri bilang bahagi ng patuloy na pagtugon ng lokal na pamahalaan sa usapin ng paggamit ng ilegal na droga.

‎Ang aktibidad ay bahagi ng kampanya ng City Government of Santiago na mapanatili ang isang ligtas, produktibo at drug-free na kapaligiran sa loob ng pamahalaang lokal habang pinalalakas ang pagpapatupad ng mga programa laban sa ilegal na droga.