Magkasunod na aksidente ang naitala sa parehong bahagi ng national highway sa Barangay Villarros, Bagabag, Nueva Vizcaya, matapos muling mabangga ng isang 10-wheeler truck ang isang cargo truck na naunang nasangkot sa isang karambola na ikinasugat ng dalawang motorista.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Rexer Louie Malingan, Chief of Police ng Bagabag Police Station, sinabi niya na dakong alas-3:50 ng hapon nitong Hunyo 16 nang magsalpukan ang isang Isuzu cargo truck, Chevrolet Sportivo at isang trailer tanker sa nasabing lugar.
Lumabas sa imbestigasyon na binabagtas ng cargo truck at ng Sportivo ang northbound lane patungong Diadi habang binabaybay naman ng trailer tanker ang southbound lane patungong Bagabag.
Gayunman, pagdating sa pababang bahagi ng matarik na kurbada sa Barangay Villaros, nakaranas umano ng mechanical failure ang cargo truck matapos matanggal ang differential shaft nito.
Dahil dito, bumangga ito sa likurang bahagi ng Sportivo na naitulak naman sa kabilang linya ng kalsada at sumalpok sa paparating na trailer tanker.
Nagtamo ng injury ang 58-anyos na driver ng cargo truck na residente ng Roxas, Isabela at isinugod sa Region 2 Trauma and Medical Center sa Bayombong, habang bahagya namang nasugatan ang 27-anyos na driver ng Sportivo na residente ng Saguday, Quirino ngunit tumangging magtungo sa pagamutan.
Subalit wala pang 12 oras makalipas ang naturang insidente, panibagong aksidente ang naganap sa parehong lugar dakong alas-3:30 ng madaling araw ngayong Hunyo 17.
Ayon sa pulisya, nawalan umano ng preno ang isang 10-wheeler truck habang binabaybay nito ang pababang bahagi ng matarik na kurbada sa naturang lugar.
Dahil dito, rumagasa ang sasakyan at sa kabila ng pagtatangkang ihinto ito ng driver sa gilid ng kalsada ay bumangga pa rin ito sa Isuzu cargo truck na nakahimpil sa gilid ng northbound lane matapos masangkot sa naunang aksidente.
Sa lakas ng pagkakabangga ay tumagilid ang 10-wheeler truck dahilan upang magtamo ng bahagyang pinsala ang tsuper at pahinante nito.
Patuloy namang inaalam ng mga otoridad ang kabuuang halaga ng pinsala habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa dalawang magkahiwalay na aksidente.











