--Ads--

Sugatan ang isang 18-anyos na rider matapos masangkot sa banggaan ng motorsiklo at isang sports utility vehicle o SUV sa kahabaan ng National Highway, Barangay San Fermin, Cauayan City, Isabela, kagabi, Nobyembre 21, 2026.

Ang biktima ay isang 18-anyos na lalaki, residente ng Barangay Marabulig 1, Cauayan City, na nagmamaneho ng motorsiklo. Samantala, minamaneho naman ang SUV ng isang 35-anyos na lalaki, residente ng Barangay San Fermin.

Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, magkasalungat ang direksyong tinatahak ng dalawang sasakyan bago ang insidente.

Patungong timog o southbound, direksyon ng Alicia, Isabela, ang motorsiklo, habang patungong hilaga o northbound, direksyon ng sentro ng Cauayan City, ang SUV.

--Ads--

Pagdating sa isang interseksyon, kumaliwa umano ang SUV patungo sa Doña Fronie Avenue sa Barangay San Fermin.

Habang isinasagawa ang pagliko, nabangga ng paparating na motorsiklo ang kanang likurang bahagi ng SUV.

Dahil sa lakas ng impact, nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang 18-anyos na estudyante.

Agad siyang binigyan ng paunang lunas ng mga rumespondeng tauhan ng Rescue 922 bago isinugod sa isang pagamutan para sa karagdagang atensiyong medikal.

Samantala, hindi naman nasaktan ang driver ng SUV at ang tatlo nitong sakay na kinabibilangan ng isang 32-anyos na babae at dalawang bata na edad anim at isang taon.

Kapwa nagtamo ng pinsala ang dalawang sasakyang sangkot sa aksidente, subalit hindi pa natutukoy ang kabuuang halaga ng mga nasira.

Matapos ang insidente, dinala ang dalawang sasakyan sa Cauayan Component City Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at karagdagang imbestigasyon.

Patuloy namang inaalam ng kapulisan ang buong pangyayari kaugnay ng naturang aksidente.