Isang 46-anyos na babaeng Italyano ang nasawi habang halos 1,700 turista ang inilikas matapos sumiklab ang malaking sunog sa Viva Wyndham Dominicus Beach Hotel sa Bayahibe, Dominican Republic nitong Biyernes, ayon sa mga lokal na awtoridad.
Ayon sa emergency service na DAEH, agad nasawi si Francesca Valentino, 46, dahil sa insidente. Tatlong katao naman ang dinala sa mga pagamutan habang anim pa ang binigyan ng agarang lunas sa lugar. Kabilang sa mga naapektuhan ang mga hotel guest, bisita, at ilang emergency responder.
Batay sa mga ulat, mabilis na kumalat ang apoy dahil sa mga materyales ng bubong na gawa sa madaling magliyab na palm o dayami, na lalo pang pinalala ng kondisyon ng hangin.
Makikita sa mga video na kumalat sa lokal na media ang makapal na usok na tumataas sa kahabaan ng Caribbean coastline habang nilalamon ng apoy ang resort.
Agad namang naapula ang sunog ngunit patuloy pa ang imbestigasyon sa sanhi nito. Inilipat sa mga kalapit na hotel ang mga inilikas na turista, habang hindi naman naapektuhan ang kalapit na Viva Wyndham Dominicus Palace.
Ayon sa Emergency Operations Center, nananatiling normal at ligtas ang mga aktibidad ng turismo sa Bayahibe at mga karatig-lugar.Ang Dominican Republic ay kilala bilang isa sa mga pangunahing destinasyon ng turista sa Caribbean, na nakapagtala ng humigit-kumulang 5.6 milyong bisita sa unang limang buwan ng taon.





