--Ads--

Pinalalakas na pag-export ng mga produktong Pilipino ang isa sa mga hakbang na maaaring makatulong upang maibsan ang epekto ng paghina ng piso kontra dolyar, ayon sa isang Certified Public Accountant (CPA) lawyer.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Randy Arreola, Commissioner of the Legal Education Board (LEB), ipinaliwanag niyang mahalagang mapalakas ang kakayahan ng bansa na kumita ng dolyar sa pamamagitan ng pag-export ng mga lokal na produkto, sa halip na umasa lamang sa pag-aangkat mula sa ibang bansa.

Aniya, kabilang sa mga salik na nakaaapekto sa halaga ng piso ang galaw ng pandaigdigang merkado, kabilang ang pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng mga sigalot sa Middle East.

Dahil dolyar ang ginagamit sa pagbabayad sa inaangkat na petrolyo, mas malaking halaga ng foreign currency ang kailangang ilabas ng bansa kapag tumataas ang presyo nito.

--Ads--

Dagdag pa niya, nakaaapekto rin sa pagpasok ng puhunan ang political at economic climate ng bansa.

Kapag hindi matatag ang sitwasyon sa Pilipinas, maaaring mag-atubili ang mga dayuhang mamumuhunan na magpasok ng kapital, habang maaari ring magdalawang-isip ang mga lokal na negosyante na palawakin ang kanilang negosyo.

Ipinaliwanag din ni Atty. Arreola na ang paghina ng piso ay nagpapababa sa purchasing power ng mga mamamayan, kaya mas malaking halaga ang kailangan upang mabili ang mga produktong dati ay mas mura.

Maaari rin itong samahan ng pagtaas ng interest rate na nagpapamahal sa pangungutang ng mga indibidwal at negosyo.

Samantala, kabilang sa mga hakbang upang mapigilan ang pagtaas ng inflation ang pagtataas ng interest rate ng Bangko Sentral ng Pilipinas, na naglalayong mapabagal ang pangungutang at paggasta upang makontrol ang demand sa merkado.

Dahil dito, mahalaga umanong palakasin ang lokal na produksyon at pag-export ng mga produktong Pilipino upang madagdagan ang pumapasok na dolyar at mabawasan ang pagdepende ng bansa sa mga inaangkat na produkto.