Nangako ang state witness at dating DPWH district engineer na si Henry Alcantara na maibabalik sa gobyerno ang P300 milyon pagsapit ng 2027 bilang bahagi ng kanyang pagpasok sa Witness Protection Program.
Sa pagdinig ng Sandiganbayan kaugnay ng graft case laban kay dating senador Ramon Bong Revilla Jr. at anim na iba pa, inilahad na nakapagbalik na si Alcantara ng P181 milyon at magbabalik pa ng karagdagang halaga sa mga susunod na taon.
Ayon sa tala ng korte, P25 milyon pa ang target na maibalik sa Setyembre ngayong taon, habang inaasahang mababayaran nang buo ang natitirang halaga bago matapos ang 2027.
Inamin din sa pagdinig na hindi tugma ang kanyang idineklarang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth sa aktuwal na yaman na nasa humigit-kumulang P18 milyon.
Ang kaso ay may kaugnayan sa umano’y maanomalyang flood control project sa Bulacan na sinasabing walang naitayong istruktura.











