Umabot na sa ₱866.4 milyon ang perang naibalik sa pamahalaan ni dating Bulacan District Engineer Henry Alcantara na iniuugnay sa umano’y katiwalian sa mga flood control project.
Ayon kay Justice Undersecretary Deo Marco, kamakailan lamang muling nagsauli si Alcantara ng panibagong batch ng cash na naideposito na sa Bureau of the Treasury.
Bukod sa salapi, kabilang din sa mga nakumpiskang yaman ang mga ari-arian at iba pang asset na kasalukuyang naka-freeze. Patuloy pa aniya ang pagtukoy sa iba pang pag-aari na posibleng may kaugnayan sa maanomalyang mga proyekto.
Nilinaw naman ni Justice Undersecretary Raul Vasquez na walang itinakdang halaga ang pamahalaan na kailangang mabawi dahil tuloy-tuloy ang pagsisikap na maibalik ang lahat ng pondong nakuha umano sa pamamagitan ng katiwalian.
Isa rin sa mga kondisyon sa pagpasok sa Witness Protection Program ang pagsasauli ng mga pondong may kaugnayan sa mga alegasyon. Naipasok na sa programa si Alcantara, kasunod ng pagbasura ng Department of Justice sa hindi bababa sa tatlong kasong kinahaharap niya, kabilang ang malversation at graft.
Gayunman, hindi nangangahulugan ang pagpasok sa programa na mayroon na siyang ganap na immunity laban sa lahat ng kaso.
Sa kabuuan, 29 na kaso na ang hinawakan ng DOJ kaugnay ng mga umano’y ghost at substandard flood control project, kabilang ang mga kasong malversation, graft at paglabag sa batas sa buwis.











