Masusing tinalakay ng mga kinatawan ng ibat-ibang indigenous people’s groups sa Lungsod ng Santiago ang mga umiiral at nakatakdang programa para sa kapakanan ng mga katutubong pamayanan sa isinagawang pagpupulong na pinangunahan ng lokal na pamahalaan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Emmanuel Gamay, Private Secretary, layunin ng pagpupulong na palakasin ang partisipasyon ng mga indigenous people sa mga programang inilalatag ng lokal na pamahalaan kabilang na ang mga inisyatibang may kaugnayan sa kabuhayan, kalusugan at iba pa.
Ayon sakanya, nagsisilbi rin ang pagkakataon na ito upang mapakinggan ang mga hinaing, mungkahi, at pangangailangan ng mga katutubo upang mapaigting ang mga programang nakatuon sa kanilang kapakanan at pag-unlad.
Samantala, hinikayat ng LGU ang mga IPs na hindi pa rehistrado sa kinikilalang mga organisasyon na magparehistro na upang mas maging maayos ang koordinasyon at mas marami ang makinabang sa mga programang inilaan ng pamahalaan.
Aniya, mahalaga ang pagkakaisa at pakikilahok ng mga katutubo upang matiyak na natutugunan ang kanilang pangangailangan at napapangalagaan ang kanilang kultura at tradisyon.











