Humiling na ang National Irrigation Administration–Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) ng cloud seeding operations sa Department of Agriculture (DA) Region 2 dahil sa kakulangan ng ulan sa mga lugar na sakop ng Magat Watershed.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay DA Region 2 Regional Technical Director Roberto Busania, sinabi nito na sa isinagawang Management Committee (MANCOM) Meeting sa Metro Manila ay napag-alamang may nakalaan nang 30 oras ng cloud seeding operations para sa watershed areas ng Magat Dam.
Ayon kay Busania, may inisyal na pondong ₱2.56 milyon para sa naturang operasyon at umaasa silang madaragdagan pa ito kung kinakailangan.
Nakatakdang isagawa ang cloud seeding mula Hulyo hanggang Setyembre 2026, ngunit kinakailangan munang tiyakin na may sapat na seedable clouds sa lugar upang maging epektibo ang operasyon.
Saklaw ng NIA-MARIIS ang mahigit 90,000 ektarya ng palayan, at dahil sa kakulangan ng patubig ay may ilang magsasaka na hindi pa nakapagsisimula ng kanilang pagtatanim. Dahil dito, inaasahang malaking tulong ang cloud seeding upang madagdagan ang suplay ng tubig sa mga sakahan.
Samantala, pinaalalahanan ni Busania ang mga magsasaka, partikular ang mga nagtatanim ng mais, na maingat na suriin ang lagay ng panahon bago magsimula ng pagtatanim upang maiwasan ang posibleng pagkalugi.










