Kinumpirma ng Philippine Embassy sa Bogota, Colombia na ligtas ang 47 Pilipino sa Venezuela matapos ang magkakasunod na magnitude 7.2 at 7.5 na lindol na yumanig sa bansa noong Hunyo 25.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Jan Mikhail Solitario, 3rd Secretary at Vice Consul ng Philippine Embassy sa Bogota, Colombia, sinabi niyang bahagya ring naramdaman sa Colombia ang pagyanig kaya pansamantalang nagsilikas ang mga nasa gusaling kanilang kinaroroonan bilang pag-iingat.
Matapos makumpirmang nasa Venezuela ang sentro ng lindol, agad na nakipag-ugnayan ang embahada sa 47 Pilipinong naninirahan doon upang alamin ang kanilang kalagayan. Batay sa kanilang monitoring, wala namang naiulat na nasaktan sa mga ito.
Sa ngayon, wala pang natatanggap na opisyal na request for assistance ang embahada mula sa mga Pilipinong naapektuhan ng pagyanig. Nagkaroon man ng pansamantalang water interruption sa ilang lugar sa Venezuela, agad din itong naibalik sa parehong araw.
Ayon kay Vice Consul Solitario, may nakatalagang chat group ang mga Filipino community sa Venezuela kasama ang mga community coordinator upang mapadali ang pakikipag-ugnayan at pagmomonitor sa kalagayan ng mga Pilipino roon.
Patuloy namang kinokolekta ng embahada ang mga agarang pangangailangan ng mga Pilipino sakaling mangailangan ang mga ito ng tubig, gamot, at pagkain.
Gayunman, sinabi niyang malaking hamon sa kasalukuyan ang pagpunta sa Caracas dahil nananatiling sarado ang Simon Bolivar International Airport. Dahil dito, ang pagpapadala ng pinansyal na tulong ang pangunahing opsyong nakikita ng embahada kung kakailanganin ng mga Pilipino roon ng agarang ayuda.











