--Ads--

Masayang ipinagdiwang sa Lungsod ng Cauayan ang Pride Month 2026 kung saan dinaluhan ito ng mga kinatawan mula sa 17 munisipalidad at tatlong pangunahing lungsod sa lalawigan ng Isabela bilang pagpapakita ng suporta sa LGBTQIA+ community.

Ayon kay LGBTQ President Jaymar Mason, sinabi niya layunin ng selebrasyon na hindi lamang ipagdiwang ang pagkakaiba-iba kundi patuloy ding isulong ang pagkilala sa karapatan at pagkakapantay-pantay ng bawat isa.

Kabilang sa mga naging tampok sa programa ang Pride March na umikot mula FLD Coliseum patungong Quezon Street, daraan sa SM City Cauayan at babalik sa pinanggalingan. Kasama rin sa aktibidad ang “Bayle sa Kalye” competition at ang inaabangang Grand Coronation Night ng Diyosa ng Isabela 2026.

Bukod sa pagdiriwang, binigyang-diin din ng organisasyon ang mga patuloy na hamon na kinahaharap ng LGBTQIA+ community kabilang ang diskriminasyon at bullying, lalo na sa ilang paaralan at komunidad.

--Ads--

Aniya, mahalagang ipagpatuloy ang pagsusulong ng pagkakapantay-pantay at pagpasa ng SOGIE Equality Bill upang mas mapalakas ang proteksyon sa karapatan ng bawat mamamayan anuman ang kanilang kasarian at pagkakakilanlan.

Sa Cauayan City malaking tulong ang umiiral na mga lokal na ordinansa laban sa diskriminasyon at ang patuloy na pagsasama ng LGBTQIA+ sector sa mga programa ng lokal na pamahalaan.

Sa temang nakatuon sa inclusivity at diversity, ipinahayag niya ang pag-asang mas marami pang lokal na pamahalaan ang magpatupad ng mga polisiya at programang magpapalawak ng pantay na oportunidad para sa lahat.

Samantala, nagpahayag ng tuloy tuloy na suporta ang LGU Cauayan para sa sector ng LGBTQIA + community.

Sa bisa ng isang ordinansa kinilala ang pagdiriwang ng Pride Month tuwing buwan ng Hunyo.

Ayon kay Atty. DIvine Gonzales, isa ang Cauayan sa mga unang lokal na pamahalaan sa Region 2 na nagpatupad ng ganitong hakbang upang matiyak na magpapatuloy ang suporta sa LGBTQIA++ community anuman ang maging administrasyon sa hinaharap.

Binigyang-diin ng lungsod na layunin ng programa na ipakita na ang bawat mamamayan—anuman ang kasarian, gender identity, o paniniwala—ay may pantay na pagkakataon at mahalagang bahagi ng komunidad.

Bilang culminating activity ngayong taon, itinampok ang Pride March at iba pang programang naglalayong bigyan ng espasyo ang mga miyembro ng LGBTQIA++ community hindi lamang sa Cauayan kundi maging sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan ng Isabela upang maipahayag ang kanilang identidad at adbokasiya.