Ipinagdiwang ng Lungsod ng Cauayan ang Pride Month 2026 sa pamamagitan ng isang makabuluhang programa na naglalayong isulong ang pagkakapantay-pantay, inklusibidad, at pagbibigay-kapangyarihan sa LGBTQIA+ community.
Kabilang sa mga tampok na aktibidad ang Pride Symposium na tumalakay sa HIV awareness, Sexual Orientation, Gender Identity and Expression (SOGIE), at Safe Spaces Act.
Nagkaroon din ng libreng HIV testing, libreng gupit, eyebrow enhancement, manicure services, at iba pang community engagement activities para sa mga kalahok.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jaymar Mason, President ng Cauayan City LGBTQIA++ Organization, mahalaga ang pagdiriwang ng Pride Month upang mapalawak ang kaalaman ng publiko tungkol sa mga isyung kinakaharap ng LGBTQIA+ community at upang maisulong ang respeto, pagtanggap, at pantay na pagtingin sa bawat isa anuman ang kanilang kasarian o pagkakakilanlan.
Aniya, nagsisilbi rin itong pagkakataon upang maipakita ang mga ambag ng LGBTQIA+ community sa lipunan at mapalakas ang kanilang boses sa mga usaping may kinalaman sa karapatan, kalusugan, at kapakanan ng kanilang sektor.
Dagdag pa ni Mason, ang mga programang tulad nito ay mahalaga upang mabawasan ang diskriminasyon at mapatatag ang pagkakaisa ng komunidad tungo sa isang mas inklusibo at makataong lipunan.
Sa pamamagitan ng pagdiriwang, muling ipinakita ng Lungsod ng Cauayan ang suporta nito sa pagsusulong ng diversity, equality, at community solidarity para sa lahat.










