--Ads--

Hinimok nina Marina Summers at Sassa Gurl ang publiko at mga kumpanya na magpakita ng tunay at pangmatagalang suporta sa LGBTQIA+ community, sa halip na limitahan ito sa mga aktibidad tuwing Pride Month.

Sa isang panayam, binigyang-diin ng dalawang queer artists na nananatili pa ring laganap ang tinatawag na “performative support” o suporta na nakatuon lamang sa ‘publicity’ at kita sa halip na sa tunay na adbokasiya.

Ayon kay Marina Summers, maraming brand ang nakikipag-ugnayan sa LGBTQIA+ community tuwing Pride Month ngunit kulang naman sa mga programang nagsusulong ng inclusivity at proteksyon para sa queer employees sa loob ng kanilang mga organisasyon.

Samantala, sinabi ni Sassa Gurl na hindi lamang mga kumpanya ang maaaring maging bahagi ng performative support kundi maging ang ilang indibidwal na nagpapakita ng suporta para lamang sa pansariling interes, tulad ng kasikatan, kita, o impluwensiya.

--Ads--

Iginiit ng dalawa na ang tunay na allyship ay nangangailangan ng pag-unawa sa mga hamon at karanasang kinahaharap ng LGBTQIA+ community, pati na rin ng konkretong pagkilos upang maisulong ang pagkakapantay-pantay at pagtanggap sa lipunan.