Nagsagawa ng ilang mga aktibidad ang City of Ilagan Gay Association (CIGA) bilang bahagi ng pagdiriwang ng Pride Month ngayong buwan ng Hunyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Peterson Patriarca, Spokesperson ng CIGA, sinabi niya na pagpasok pa lang ng buwan ng Hunyo ay nagsagawa na ng libreng gupit ang mga miyembro ng CIGA para sa mga residente ng Lungsod ng Ilagan.
Aniya, marami aniyang mga paaralan at ahensya ng Gobyerno ang nagre-request ng kanilang serbisyo. Posible aniya itong magpatuloy hanggang sa susunod na buwan lalo na kung marami pa ang gustong magpagupit sa kanila.
Maliban dito, isinusulong din nila ang HIV Awareness kung saan libre ang test para sa mga nagnanais magpasuri. Katuwang nila rito Rural Health Unit sa Ilagan City kung saan pwedeng magpatingin nang libre.
Samantala, natutuwa si Patriarca na mula sa pagiging walang boses ng miyembro ng LGBTQ+ Community ay unti-unti na silang nabibigyan ng atensyon ngayon dahil na rin sa recognition na ibinibigay ng bawat local government unit.
Gayunman, mayroon paring ilang mga miyembro ng LGBTQ+ Community ang nakararanas ng pambu-bully at diskriminasyon. Mayroon aniyang lumalapit sa kanilang hinggil sa ganitong mga reklamo na agad naman nilang tinutugunan sa pamamagitan ng paglapit ng reklamo sa mga kinauukulan.
Nanawagan naman siya sa publiko na pahalagahan at irespeto ang mga kagaya niyang miyembro ng LGBTQ+ community.











