--Ads--

Mahigit 3,300 job vacancies ang inilapit sa mga naghahanap ng trabaho sa Isabela sa isinagawang Mega Job Fair at Government Service Caravan, kung saan mas marami ang nagpakita ng interes sa overseas employment.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Cecilia Claire “Jeng” Reyes, Provincial Public Employment Service Office o PESO Manager ng Isabela, lumahok sa aktibidad ang 40 local employers at anim na overseas employers.

Ito na ang ikaapat na job fair na isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ngayong taon, katuwang ang tanggapan ni Senate President Win Gatchalian at ang Department of Labor and Employment o DOLE.

Ayon kay PESO Manager Reyes, sinabi nitong hindi garantisadong matatanggap ang lahat ng aplikante dahil kailangan pa ring matugunan ang mga kwalipikasyon at iba pang requirements ng mga employer.

--Ads--

Napansin din aniya ang mas malaking interes sa overseas employment kaya hinihikayat niya ang mga aplikante na isaalang-alang ang digital jobs tulad ng virtual assistance at data analytics na maaaring pasukan kahit nananatili sa Pilipinas.

Isa sa mga aplikante si Aeron Dave Robles, 25-anyos na residente ng City of Ilagan, na umaasang makahanap ng trabaho sa ibang bansa dahil sa mas malawak na oportunidad at mas magandang sahod.

Kabilang sa nais niyang aplayan ang service crew at factory worker. Bilang self-supporting student, nais din niyang magkaroon ng sariling kita upang masuportahan ang kanyang pag-aaral.

Samantala, binigyang-diin ni Isabela 1st District Board Member Evin Jay Diaz, chairperson ng Committee on Labor ng Sangguniang Panlalawigan, ang patuloy na suporta ng pamahalaang panlalawigan sa mga programang nagbibigay ng trabaho at oportunidad sa mga Isabelino.

Ibinahagi rin niyang nagsagawa ng career orientation program upang matulungan ang mga kabataan sa pagpili ng kanilang career path.