--Ads--

Nag-alala ang mga tagahanga ni Heart Evangelista matapos ibalita ng kanyang longtime assistant na si Resty Rosell na isinugod sa ospital ang actress-hot dahil sa matinding pagkapagod.

Sa mga larawang ibinahagi sa Instagram Stories ni Rosell, makikitang nakahiga sa hospital bed ang aktres habang nakakabit sa iba’t ibang medical equipment. Nakita rin sa mga larawan na kasama niya ang kanyang ina na si Cecilia Ongpauco at kapatid na si Camille Ongpauco habang siya ay naka-confine.

Ayon sa assistant, ang kondisyon ng fashion icon ay dulot ng labis na pagod bunga ng sunod-sunod at walang tigil na pagtatrabaho. Hinikayat din niya ang aktres na bigyang-halaga ang kanyang kalusugan at maglaan ng sapat na panahon para sa pahinga.

Ipinagtanggol din ni Rosell si Heart laban sa mga kritiko at binigyang-diin ang kasipagan ng aktres sa pagtatrabaho.

--Ads--

Sa pinakahuling update, sinabi niyang unti-unti nang bumubuti ang kalagayan ni Heart. Nagising na umano ito mula sa sedation at nakakalakad na nang diretso, bagama’t nangangailangan pa rin ng suporta habang nagpapagaling.

Matatandaang ilang linggo bago ang insidente ay inamin ni Heart Evangelista sa kanyang vlog series na Heart World na minsan siyang nawalan ng malay matapos dumalo sa 14 na fashion show sa Milan Fashion Week.