--Ads--

Pinaigting ng Pamahalaang Lungsod ng Cauayan City ang kampanya nito sa disaster preparedness sa unang araw ng pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month sa pamamagitan ng kick-off program, parada, at bloodletting activity na dinaluhan ng mga uniformed personnel at iba pang katuwang na ahensya.

Pinangunahan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ang pagbubukas ng pagdiriwang bilang hudyat ng pagsisimula ng isang buwang serye ng mga aktibidad na naglalayong palakasin ang kahandaan ng komunidad sa iba’t ibang uri ng kalamidad at emergency.

Nakiisa sa programa ang mga miyembro ng Rescue Unit, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, Police Scouts, at iba pang volunteer responders at uniformed personnel sa lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay CDRRMO Chief Ronald Viloria, sinabi niyang ang mga isinagawang aktibidad sa unang araw ay bahagi ng opisyal na pagbubukas ng National Disaster Resilience Month at magsisilbing panimula sa mga programang ipatutupad sa buong buwan ng Hulyo.

--Ads--

Sinabi ni Viloria na layunin ng pagdiriwang na higit pang mapalakas ang koordinasyon ng mga ahensyang tumutugon sa sakuna, mapahusay ang kahandaan ng mga responder, at mapataas ang kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng pagiging handa bago, habang, at pagkatapos ng anumang kalamidad.

Sa mga susunod na linggo, magsasagawa ang CDRRMO at mga katuwang nitong ahensya ng iba’t ibang disaster preparedness trainings, information and awareness campaigns, emergency drills, at iba pang aktibidad na naglalayong palawakin ang kaalaman at kahandaan ng komunidad sa pagtugon sa mga emergency.

Bahagi ng taunang pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month ang pagsusulong ng kultura ng kahandaan at pagtutulungan ng pamahalaan, mga responder, at mamamayan upang mabawasan ang panganib at epekto ng mga kalamidad sa lungsod.