--Ads--

Naging epektibo ang ipinatutupad na one-way traffic scheme sa Cauayan City matapos maging mas maayos at maluwag ang daloy ng mga sasakyan sa mga pangunahing lansangan ng lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pillarito Mallillin, sinabi niyang wala silang naitalang matinding pagsisikip ng trapiko simula nang ipatupad ang naturang traffic scheme.

Ayon kay Mallillin, malaking tulong ang one-way scheme sa pagbawas ng congestion at pagpapabilis ng daloy ng mga sasakyan, lalo na sa mga mataong bahagi ng lungsod.

Kaugnay ng reklamo ng ilang motorista na napapalayo ang kanilang ruta, sinabi niyang walking distance lamang ang kailangang lakarin sa ilang lugar at mas mainam ito kaysa maipit sa mabigat na trapiko.

--Ads--

Aniya, isa ang naturang hakbang sa mga nakikitang solusyon ng lungsod sa problema sa trapiko habang patuloy nilang minomonitor ang sitwasyon upang matiyak ang maayos na daloy ng mga sasakyan.

Dagdag pa niya, wala silang naitatalang malaking suliranin sa trapiko na dulot ng one-way scheme kaya ipagpapatuloy ng lungsod ang pagpapatupad nito para sa kapakinabangan ng mga motorista at ng publiko.