Ibinunyag ni Sen. Risa Hontiveros na posibleng may kaugnayan sa online extremist group na “764” ang pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong katao at ikinasugat ng ilan pa noong Hunyo 22.
Ayon sa senador, ang naturang grupo ay hinihinalang bahagi ng isang violent extremist network na umano’y nanghihikayat sa mga kabataan sa karahasan, pornograpiya, self-harm, at iba pang mapanganib na gawain sa pamamagitan ng online platforms at ilang video games.
Lumabas din sa paunang impormasyon na may mga komento umano mula sa mga pinaghihinalaang miyembro ng naturang network sa social media account ng isa sa mga menor de edad na sangkot sa insidente.
Gayunman, nilinaw ni Hontiveros na hindi pa pinal ang mga natuklasan at ipinadala na sa National Bureau of Investigation ang mga detalye para sa beripikasyon at mas malalim na imbestigasyon.











